Sa wakas, may ginawa na din ang DENR para lunasan ang suliranin sa Laguna De Bay. Mababasa ninyo ang balita sa Inquirer.Net: “Illegal fishpens on Laguna Lake dismantled Wednesday–DENR”.

Laguna Lake ang opisyal na pangalan ng lawa na ito pero kilala din ito sa pangalan na Pulilan nuong unang panahon(iba ito sa bayan ng Pulilan, Bulacan). Lumaki kami sa baybayin nito at marami itong magagandang alaala. Nuong kabataan namin ay madalas kaming magpunta sa aplaya para maglaro, magpalipad ng saranggola o di kaya’y magtampisaw lang sa tubig. Duon din tumutubo ang isang halaman na nagbibigay ng bala sa aming mga sumpit. Nung medyo malaki na ako, pumupunta din kami duon nina Daddy para naman mamaril ng mga ibong dagat. May kwento din si Mommy na kapag walang makakain ang mga tao nuong kapanahunan nila ay pupunta lang sila sa dagat para mangisda o di kaya ay manguha ng tulya.

Bukod sa may lugar kami para maglaro, maganda din na pagmasdan ang lawa lalo na kung mahilig ang isang tao sa nature trip (parang ako). Bakit hindi? Ito ang pinaka-malaking lawa sa Pilipinas. Bukod sa payapang tubig nito, sa kabilang ibayo ay ang mga bulubunduking probinsiya ng Rizal at Laguna. Kaya naman naka-ukit na yata sa aking alaala ang larawan ng pagsikat araw duon na kung saan para bang unti-unti itong lumalabas mula sa pinagtataguan nito sa bundok. Sigurado akong maganda din ang paglubog ng araw kung titignan mula sa kabila. Tumutulong din ang lawa sa pagdala ng maaliwalas na hangin sa mga nakatira sa baybayin. Mahal ang air-conditioner kaya ito ang likas na pampalamig sa buong lugar.

Matagal nang nakatayo ang mga fishpen sa Laguna De Bay, kahit nuong mga bata pa kami. Natutuwa nga ang mga tao kapag may malakas na bagyo at nasira ang mga fishpen. Lahat ng mga isda, lalo na ang mga malalaking bangus, ay dinadala ng tubig at alon sa dalampasigan kaya ilang araw na may libreng pagkain ang mga tao. Nagsimula ang suliranin nang dumami ang mga fishpen na itinayo ng walang pahintulot. Ito na din siguro ang nagdala ng madaming tao sa baybayin kaya ngayon ang malalawak na lupang pinaglalaruan namin nuon ay puno na ng mga bahay. Bukod dito, dumami din ang mga squatters dahil na din siguro sa yamang dagat na binibigay ng lawa. Ang pagdami ng tao at ng mga illegal na fishpen ay malaking dahilan sa unti-unting pagkamatay ng Laguna De Bay.

Kaya naman ano mang gawain upang malunasan ang suliranin ng Laguna De Bay ay isang magandang balita. Hindi ako sumasang-ayon sa lahat ng mga gawain ni Lito Atienza (kalihim ng DENR) ngunit para sa pag-atas niyang tanggalin ang mga illegal na fishpen: Mabuhay ka Ginoong Atienza! Nawa’y bumalik ang panahon na buhay na buhay muli sa yamang dagat ang mga tubig ng Pulilan.

About these ads