Isa sa mga tradisyon ng angkan namin ay ang magtipon-tipon tuwing Pasko, Bagong Taon o di kaya naman ay Easter. Nandyan siyempre ang bigayan ng regalo, masasarap na pagkain, masasayang kwentuhan, magugulong laro (kami yun), may awitan at sayawan pa minsan at siyempre ang walang katapusang “kodakan“. Taon-taon namin itong ginagawa na walang pagbabago. Kung pwede nga lana sana ay manatiling ganoon na lang pero ika nga, the only thing that is constant is change. Nitong huling sampung taon ay damang-dama namin ang mga pagbabago dahil sa panahon ito ay may ilan sa amin ang nagtungo sa ibang bansa upang magtrabaho, yumao ang aming lolo’t lola at may hindi inaasahang pagkamatay ng isang minamahal na pinsan.

Gayunpaman, may mga magagandang pagbabago din nitong huling sampung taon na nagbigay daan upang manatili ang aming pagsa-sama. Ito ay sa larangan ng kominikasyon. Unang-una na dito ay ang e-mail. Biruin mo nga naman, hindi na mga linggo ang hihintayin ko para makakuha ng liham mula sa ibang bansa kungdi minuto na lang. Kaya naman kapaki-pakinabang ang mga libreng e-mail tulad ng Yahoo! At G-Mail. Lumaganap din ang murang text messaging kaya mas mabilis na din makakuha ng balita. Hindi ko nga lang malaman kung ako’y matatawa o maiinis kapag may nagpadala ng e-mail na text-speech ang ginagamit. Bakit? Dahil walang limit ang e-mail hindi gaya ng text na may limitasyon kaya hindi problema ang mahahabang liham. Sampung daliri din ang gamit kapag gumagawa ng e-mail kaya walang dahilan para magpa-ikli ng mga salita. Sa paano’t paanupaman, sinundan ito ng Instant Messaging o Online Chat, na mas mabilis kaysa e-mail dahil ito ay real-time. Hindi din tumigil doon dahil ngayon mayroon nang voice chat at internet phone na gaya ng Skype. Sa pagdating ng broadband, naging laganap na din ang mga webcam na kung saan nakikita mo na ang iyong kausap.

Dala na din ng madaming pagbabagong ito, sa tingin ko ay nagsimula na din ng panibagong tradisyon ang aming pamilya. Nitong nakaraang Pasko at Bagong Taon, nagkaroon ulit kami ng pagtitipon – pero ngayon ito ay online na! Gamit namin ay Skype para sa kakayahan nito sa voice conferencing at Yahoo Messenger naman para sa aming mga webcam. Mula Australia, Pilipinas, Norway, U.S.A. at Canada, binigyan daan ng bagong teknolohiya ang aming pagsasama-sama. Naging masaya ang pagtitipon namin pero totoong madami pang kinakailangang pagbutihin ang mga teknolohiyang ito. Unang-una ay kinakailangan pa naming gumamit ng dalawang magkaibang software dahil hindi kaya ng isa ang dalawang bagay na kinakailangan namin – voice conference at webcam. Mas maganda sana at mas madali kung isa na lamang ang aming gamit. Mabigat din sa bawat computer kapag madaming nakabukas na webcam kaya’t madalas na may nawawala na lamang sa usapan o di kaya’y kailangang mag-reboot pa (Windows Vista ba?!)

Naniniwala naman ako na lalo lamang bibilis ang pagsulong ng teknolohiya kaya sa susunod naming pagkikita ay siguradong magiging mas maganda at maayos ito. Sa susunod, paano kaya mag-exchange gifts online?