Dumalo kami ni Charry sa isang retreat nuong nakaraang Sabado at habang pinag-uusapan ang isang topic ay panandaliang napunta ang usapan sa ugali ng mga Pilipino na mag-imbak ng mga bagay na wala nang pag-gagamitan tulad ng mga lumang kahon, lumang magazine at butas na medyas. Nagtawanan kaming lahat at agad din kaming nagturuan ni Charry at nagsabing “Ikaw yun!”. Sa totoo lang, pareho kaming guilty dun. Ang aming attic at garage ay unti-unting napupuno ng mga gamit na pwede namang itapon na pero hindi namin ginagawa – mga kahon, papel, lumang vacuum cleaner, software CD na hindi na ginagamit (dahil pang Windows 98 ba), mga lumang pintura, kahoy at kung ano-ano pa.

Hindi ko alam kung madaming Pilipino ang ganito sa ibang bansa dahil may nai-isip akong dahilan. Sa Pilipinas kasi, hindi tayo basta nagtatapon dahil alam natin na hindi ka basta-basta makakuha ng isang bagay. Madaming ang pinapaayus na lamang imbes na bumili ng bago – sasakyan, refrigerator, TV, radyo, at iba pa. Mahilig din tayo sa mga bagay na walang itatapon tulad nung panahon na nauso ang Tang na korteng vase o pitcher ang mga lalagyan. Pagkatapos mo nga namang ubusin ang Tang ay may libre ka pang lalagyan ng halaman o inumin. Nandyan din ang lalagyanan ng kape na ginagawang inumang baso sa huli. Malawak ang imagination nating mga Pilipino na gawing kapaki-pakinabang ang bagay na sa ibang bansa ay itinatapon na lamang.

Kaya ngayon, napag-usapan naming mag-asawa na bisitahin muli ang aming mga gamit at itapon na ang mga bagay na wala nang pakinabang. Hindi ko lang alam kung gaano kadami ang maitatapon namin dahil tulad nga ng sabi ko, magaling tayong maka-isip ng pakinabang sa mga bagay – kahit na mga medyas na butas.