Nagpapahinga kami sa music practice minsan at naglalaro ako ng mga tono sa aking gitara nang biglang bumalik sa aking alaala ang isang sikat na guitar riff ng Asin. Marahil ay alam ninyo ito – ang intro ng awitingCotabato”. Ilang nota pa lamang ay bumwelta na agad ang isa naming kasama – “Ako ay isinilang sa isang bayan ng Cotabato“…

Ako naman ay panandaliang bumalik sa aking nakaraan (parang flashback ba sa mga pelikula), duon sa tindahan sa kanto na may malaking jukebox na kung saan buong araw pinapatugtog ang kantang ito ang iba pang mga kanta ng Asin – “Masdan Mo Ang Kapaligiran”, “Hangin”, “Himig ng Pag-ibig”,….

“Hoy bro, practice na!” Hmp, naudlot ang aking flashback. Kaya naman pag-uwi ko, hanap agad sa internet ng mga chords. Ang hindi ko lang hinanap ay ang “Himig ng Pagibig” dahil isa ito sa mga unang awiting natutunan ko na tugtugin sa gitara. Madali lang kasi ang foundation niya dahil 7 chords lang ang gamit na paulit-ulit, tapos love song pa! Nag-record ako ng ilang version ng kantang ito – may rock version at may isang original folk version – pero kung baga sa drawing ay panay sketch lamang.

Kahapon, nabalitaan ko na ikakasal na ang kapatid ko kaya naisip ko na gumawa ng 2-guitar version ng “Himig ng Pagibig” na parehong ako ang tumugtog. Madali namang gawin yun sa GarageBand. Kaya heto, ang aking version. Hindi ito masyadong polido dahil diretso sa mic input ng Mac ang gitara, ginamit ko lang ang mga preset na effects at kulang ng konti sa practice pero ika nga “Its the thought that counts” 🙂 Kaya heto, enjoy kayo. Ate Deus and Ron, congrats!