Kaninang umaga, naisip ko na kunin ang home theatre system namin mula sa attic kung saan ilang buwan na din itong nangongolekta ng alikabok. Tumigil na lang kasi itong gumana isang araw pero hindi ko na sinubukang alamin ang dahilan. Ngayon, kabibili ko lang ng isang digital multimeter mula sa Radioshack kaya naisip ko na subukang alamin at ayusin ang problema.

Bakit hindi? Nagtapos naman ako ng Batsilyer sa Agham ng Elektronika at Inhenyeriyang Pangkomunikasyon. Lalim ba? Huwag ninyong tawanan dahil iyan ang nakalagay sa diploma ko, wala na akong magagawa dahil ang unibersidad ang may sala diyan. Sa paano’t paanupaman, ilang taon din ang ginugol naming mga ECE sa pag-gamit ng mga multimeter at pamilyar ako sa mga circuit boards, transformers (hindi yung robot ha) at amplifiers.

Ganunpaman, may isang problema – matagal ko nang hindi ginagamit ang napag-aralan ko. Napunta kasi ako sa larangan ng software at finance. Ang totoo niyan, sa dinami-dami ng formula na napag-aralan namin nuon, isa na lang yata ang naa-alala ko, ang Ohms Law.

Pero dahil malakas ang loob ko, tuloy pa din ako. Binuksan ko ang powered woofer at isinaksak sa kuryente. Dapat sa umpisa pa lang nang napansin ko na hindi umaandar ang fan ay tumigil na ako. Yun dapat ang pinagukulan ko ng pansin. Kaso eto ako, hawak ang multimeter at sinubukang alamin kung 120 volts nga ang pumapasok na kuryente– KAZPLAAT! Pumutok at nag-short ang circuit. Nasunog ang ilang parte ng circuit borad. Bakit kamo? Dahil nakalagay sa maling setting ang multimeter.

Kaya, ano ang napag-aralan natin mga kaibigan? Laging magbasa muna ng manual bago gamitin ang isang bagay lalo na kung sampung taon na ang lumipas nang huli kang nakagamit nito.😦