Mayroon daw akong kaunting asthma nung maliit pa ako ayon sa mga magulang ko. Hindi ko alam kung may gamot silang binibigay noon pero kalaunan daw ay nakalikahan ko na din. Akala ko yun ang dahilan kung bakit madali akong mahapo kapag takbuhan ang labanan nuong bata pa ako. Ang totoo niyan mukhang kulang lang ako sa ensayo dahil sa high-school ay ilang milya din ang tinatakbo naming mga C.A.T. trainees tuwing Sabado at araw-araw sa summer training.

Mauti na lang at hindi talaga ako nagkaroon ng asthma dahil ngayon alam ko na ang mahirap din para sa magulang yan. Dalawa sa tatlo naming anak ay may asthma na sangayon sa kanilang peditrician ay dala din ng kanilang allergies. Ang magandang balita ay hindi ito matindi, mabilis maagapan at madami daw sa ganitong uri ng asthma ay nawawala na kapag lumaki na ang mga bata (tulad siguro ng nangyari sa akin). Ang problema lamang ay hangga’t hindi ito nawawala ay kinakailangan na mag-ingat upang hindi ma-trigger ang asthma. Kaya naman hindi kami nawawalan ng albuterol sa bahay. Alam na din namin ang pagkakaiba nito sa ordinaryong ubo o sipon. Bukod sa lahat ng ito, ikatutuwa ng guro namin sa chemistry na madami na kaming alam na chemical nameslevalbuterol, budesonide, prednisolone at kung ano-ano pang mga gamot sa baga at inflammation.

May isa pa kaming gamot na mabisa – ang panalangin. Kung baga yan ang nagbibigay ng dagdag na sipa sa mga gamot. “A prayer a day keeps the doctor away”.