Sampu – iyan ang bilang ng taon mula nang ako ay tumapak dito sa bansa ni Uncle Sam. Parang ang bilis ng panahon kapag iisipin ngunit ang dami na din ang nagbago sa loob ng panahong iyon. Binata ako nang dumating dito ngunit ngayon ay may asawa na at may tatlong anak. Binata noon, tatlong bata ngayon. Mas maganda naman ito kasi may ilan na pagdating dito ay baligtad – may asawa noon, (buhay) binata ngayon. Mayroon din na talagang nagbago – binata noon, dalaga na ngayon (ahahay!)πŸ˜€

Diyes Anyos – Isang dekada na din ako dito pero sa larangan ng politika dalawang presidente pa lamang ang naabutan ko: si Clinton at si Bush. Umalis ako sa Pilipinas na presidente pa si Ramos. Pinagmasdan ko si Estrada mula dito at ngayon patuloy pa ding sinusundan ang mga gawain ni Arroyo. Sino kay ang susunod? Nasaan na nga pala ang kilusan para sa pagbabago ng sistema ng gobyerno? Gawain kasi ito ng ilang tao na gustong makinabang kaya hindi talaga ito lumakas at sumulong. May katotohanan naman na kailangang magbago ang sistema kaso hindi ito mangyayari kung hindi malinis ang kalooban ng mga taong namumuno ng pagbabagong ito. Sa larangan ng pamimilak naman, nandito ako nang bumagsak ang mga kompanya dahil sa pagputok (wika nga) ng Dot.Com Bubble at ngayon nandito pa din ako’t binubuno ang Mortgage Crisis at ang babala ng Recession. Sampung taon na din ang nakalipas nang PHP25 pa ang dolyar. Naging PHP50+ ito nuong nakaraang taon lamang ngunit bumagsak na naman sa PHP40. Kung iyan lang ang titignan ay parang lumalakas ang peso pero ang totoo niyan ay talagang humihina ang dolyar sa buong mundo. Mabigat ang pagbaba na ito para sa mga OFW na laging nagpapadala sa Pilipinas.

Ten Years – Naaalala ko pa na nuon ay binubuno namin ang matinding lamig para lamang gumamit ng payphone upang tumawag sa mga minamahal sa Pilipinas. Nang magkaroon na ako ng telepono, Bell Atlantic pa nuon ang tagalaan ng linya ng telepono. Binago na nila ang pangalan ngayon, Verizon, pagkatapos makisanib sa kompanyang GTE. Binili din nila ang MCI na nuon ay long-distance provider lamang. Magkakahiwalay pa kasi nuon ang mga kompanyang nagbibigay ng serbisyong pang-komunikasyon. Iba ang kompanya ng telepono, ng internet at ng telebisyon. Ngayon pwede ka nang kumuha ng linya ng telepono mula sa mga kompanya ng cable TV at pwede ka nang kumuha ng TV mula sa kompanya ng telepono. Mabuti siguro ito para labanan ang monopoliya pero sa totoo ay hindi pa din ito tuluyang nawawala (mahabang kwento, sa ibang araw na lang). Madami din kaming tiniis nuong nagsisimula pa lamang kaming mag-asawa. Maliit lang ang apartment namin nuon at walang washing machine. Kaya naman linggo-linggo kaming nagpupunta sa laundromat para maglaba, bumagyo man o umulan ng yelo. Dahil din wala kaming katulong o kasama sa bahay, lagi naming kasama ang mga bata kahit saan kami magpunta: sa pamilihan, sa sinehan, sa kainan at kung saan-saan pa. Parang mahirap pero sa totoo ay masaya din. Wika nga ng ilang kaibigan namin na mas nakatatanda, lubusin na namin dahil pag laki ng mga batang ito ay malamang iba na ang gusto nilang kasama. Kaya ngayon kapag may nag-iimbita sa amin, ang lagi naming sinasabi ay “Buy One, Get Five“.πŸ˜€

Sampung taong alaala…

Sampung taong kayamanan.