Katatapos lang ng NFL Super Bowl XLII nuong nakaraang linggo (Pebrero 3) at tinalo ng NY Giants ang NE Patriots sa talang 17-14. Ano naman ang kahalagahan nito? Maaring ito ang inyong tanong at hindi masama dahil may katwiran naman. Para sa maraming Pilipino, basketball ang pangunahing sport at bihira sa Pilipinas ang nakaka-intindi kung paano nilalaro ang American Football. Ilang taon din bago ko naintindihan ang sport na iyan at kahit ngayon ay hindi ko pa din alam ang lahat ng tuntunin. Sa Estados Unidos din lang kilala ang ganitong uri ng football dahil ang tinatawag ng buong mundo na Futbol ay tinatawag dito na soccer. Mahaba ang kasaysayan ng football pero sa kabuuan, ito ay nanggaling sa larong Rugby Football ng mga British.

Dahil siguro ang larong ito ay sadyang gawang Amerikano, ang Super Bowl ay sinusubaybayan ng buong bansang Amerika. Mahal ang magpalagay ng commercial sa live coverage nito dahil sa dami ng nanonood. Madami ang nagtitipon pa upang manood, parang pasko ba. Lalo na ngayong uso ang mga 60″ na TV, talagang beer na lang at parang nanduon ka na din.

Balik tayo sa Giants at Patriots. Ang ’07-’08 Patriots ay hinihirang na pinaka-magaling na koponan sa kasaysayan ng NFL. Pagdating sa SuperBowl, may tala sila na 18-0 : walang talo ni isa sa lahat ng kanilang laban. Ang quarterback nilang si Tom Brady ay isa sa pinakamagaling na naglaro sa posisyon na iyon at hindi bumababa sa 20 puntos ang kanilang score sa lahat ng laban. Ang kanilang offense ang pinakamagaling sa NFL. Ang Giants naman ay may 6 na talo at muntik nang hindi makapasok sa playoffs. Para makarating sa SuperBowl ay kinailangan nilang talunin ang mga koponan an tumalo na sa kanila noon. Halos lahat ng tao ay binansagan silang 12-point underdogs at siguradong talo.

Ano ang nangyari? Pinatahimik ng Giants defense ang matalas na offense ng Patriots. Si Tom Brady ay nagmistulang si Achilles na may tama ng pana sa takong ng paa. Tinalo ng underdogs ang pinakamagaling na koponan (daw) ng NFL sa kasaysayan.

Iyan ang kahalagahan ng laban na ito. Ang kwento ng laban na ito ay ang kwento nina David at Goliath, ni Haring Leonidas at ng 300 Spartan, ng mga Ruso sa Stalingrad. Mga tao na hindi umatras sa harap ng matinding hamon. Ito ay kwento ng pag-asa, tapang at tiwala – sa Diyos at sa sarili. Minsan akala natin ay mukhang matatalo tayo pero hangga’t nakabangon ka at lumalaban, laging may pag-asa. Ang pagharap natin sa mga hamon ng buhay, manalo o matalo man, ang nagbibigay buhay sa Buhay.