Binalita kamakailan sa Inquirer na tumataas daw ang dami ng petisyon para sa annulment ng kasal sa Pilipinas. Ito ay ayon sa isang offical survey. Nakakabahala ang balitang ito kahit na ito ay patungkol lamang sa dami ng petisyon at hindi sa totoong dami ng nabigyan ng annulment. Mahirap pulsuhin ang dinadamdam ng mga Pilipino mula dito sa ibang bansa ngunit panoorin mo lamang ang mga balita sa Filipino Channel ay makikita mo na kabilaan ang annulments ng mga sikat na artista. Hindi ba’t si Willie Revillame ay kamakailan lamang nabigyan ng annulment sa kanyang kasal? Ang dahilan nila ay psychological incapacity. Kung sabagay mas mahirap naman iyan kaysa sa dahilang “personal differences” na siyang laging dahilan sa ibang bansa.

Isa pang mahirap pulsuhin ay ang dami ng naghihiwalay sa ibang bansa. May mga balita na bumagal na ang pagdami ng naghihiwalay sa Amerika at Yuropa ngunit dumadami naman sa Asia. O, nasaan na ang tanyag na Asian family values? Aabutin tayo nga siyam-siyam kung pag-uusapan natin ang mga dahilan ng pagbabagong ito ngunit magandang pag-isipan din. Isa ako sa naniniwala na ang isang matatag na bansa ay nagsisimula sa katatagan ng mga pamilyang bumubuo nito.

Inquirer.Net : Civil annulments rise in RP
Discovery Health : Debunking Divorce Myths