Siguradong madami sa atin, kung hindi man lahat, ay nabalitaan na ang mga pangyayari sa bansang Pilipinas patungkol sa nakaka-dudang National Broadband Network (NBN) deal. Nagkaroon muli ng isang malaking pagtitipon ng mga tao sa Paseo de Roxas, Makati upang isigaw ang kanilang hinaing sa gobyerno ni Presidente Arroyo. Sa totoo lang ang pakiramdam ko ay baka hindi matapos ni Arroyo ang kanyang administrasyon. Kung tapusin man ni Arroyo ang kanyang tenure ay may pag-asang mabilang siya sa listahan ng mga presidente na gustong kalimutan ng bansa, tulad nina Marcos at Estrada. Sa simula pa lamang ng kanyang pagka-presidente ay kabi-kabila ang lumalabas na alingasngas. Nandyan ang “Hello Garci” tapes, ang mga pagpatay sa mga aktibista at mga tagapahayag ng balita, ang mga coup d’etat, ang pagababago ng konstitusyon at kung ano-ano pa. Ngayon dumidilim na naman ang mga ulap at may panibagong unos na namang bumabanta sa kanyang administrasyon. Pero mukhang palaban din itong si Arroyo dahil hanggang ngayon ay may isang bagay na wala ang opposisyon – isang tao, isang boses na magdadala ng laban. Wala silang Andres Bonifacio o Ninyo Aquino na sinusundan hanggang kamatayan.

Mabalik naman ako sa Makati, ang sentro ng komersiya sa Pilipinas. Nabalita kamakailan na may ilang kilalang mga businessmen ang hindi dumalo sa pagtitipon na kung saan si Pres. Arroyo ang pangunahing panauhin. May ilang kaanib din ng Makati Business Club (MBC) ang tumanggap ng pagbabanta mula sa isang di kilalang opsiyal na pakakawalan ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa kanila kapag hindi sila tumigil sa kanilang panawagan na magbitiw ang presidente. Kung totoo man ito (sigurado namang walang aamin diyan), ang tanong ay bakit BIR ang ginagawang pang-banta sa MBC? Hindi ba ginagawa ng BIR ang kanyang trabaho na walang kinikilingan? May diskwento ba sa buwis ang mga taong kapanig ng gobyerno? Hindi ko naman sinasanto ang mga mayayamang kaanib sa MBC dahil kailangang siguruhin na sila nga ay nagbabayad ng buwis ngunit ito ang mga taong nagbibigay ng trabaho sa napakadaming Pilipino. Ang kanilang mga negosyo din malamang ang pangunahing pinangagalingan ng buwis ng bansa. Kung may dapat takutin ng BIR, iyan ay ang mga opisyal sa gobyerno.  Kailangang ipakita nila sa mga Pilipino kung saan napupunta ang mga pera na binibigay sa kanila.

May kasabihan ang mga kano na dalawang bagay lamang ang tiyak sa buhay: kamatayan at buwis. Sa Pilipinas ba’y kamatayan lamang ang tiyak?