Nuong nakaraang linggo, bigla na lamang ayaw umandar ang screen ng aking iBook laptop. Kapag naka-konekta naman siya sa isang external display ay nakikita mo na umaandar pa din ang laptop. Malaki ang kutob ko na nasira lamang ang backlight ng LCD. Madalas kasing gamitin ng mga anak ko ang laptop na ito at minsan hindi sila maingat sa pagsara. Nagtingin-tingin ako sa internet ng mga maaring sanhi ng problema at ayon sa mga nabasa ko, ang tinatawag na inverter board ang maaaring nasira. Ito ang nagpapaandar sa backlight ng LCD.

Anim na taon na ang laptop na ito at huli ko itong inayos nang bumigay na ang una nitong harddrive. Kapag dinala ko ito sa isang technician, gagastos ako ng higit $100. Ang inverter board ay nagkakahalagang $12 lamang sa eBay at marunong naman ako sa electronics kaya naisip ko na ako na lang ang gagawa. Ang mahirap lang ay napakdaming kailangang tanggalin upang makuha ang inverter.

Gumawa ako ng video na kung saan pinapakita ang proseso na sinundan ko para palitan ang inverter board. Mapapanood ninyo ito sa YouTube.