Bumagsak na naman ang snow nitong nakaraang linggo ngunit hindi ito tulad ng mga nakaraang pagkakataon na tila ambon lang ang pag-bagsak ng snow. Kulang-kulang isang pulgada ang taas ng snow sa lupa pagkatapos ng lahat. Hindi na ako nagtangkang pumunta sa trabaho pa dahil madulas ang daan lalo na sa pag-uwi.

Hindi katakataka na gusto ng mga bata ang snow. Kailangan ko pa silang pigilan na maglaro sa snow sa kasagsagan ng pagbagsak nito. Nang tumigil na ang ulan, tsaka ko na sila pinalabas kasama ako. Siyempre, ang unang-unang ginawa namin ay ang magtayo ng snowman. Bagay na bagay ang snow na nasa lupa dahil makapal at umambon ng konti (tubig) kaya medyo madaling magdikit-dikit at bumuo ng kahit anong korte. Hindi masyadong mataas ang ginawa namin dahil maliliit din naman ang pangunahing gumagawa nito – ang mga anak ko. Hindi na nila kasi maabot ang ulo.

Masaya pag may snow – sa umpisa. Bakit? Dahil pag oras na ng paglilinis ay malaking perwisyo nito. Dalawang beses akong nagtanggal ng snow – isa sa umaga, habang bumabagsak pa ito, at isa pagdating ng hapon. Kinailangang tanggalin ko ang snow sa sidewalk, sa driveway, sa hagdan papunta sa aming pintuan, at sa mga kotse. Ang mga gamit ko ay pala, brush at walis tambo. Ang tambo nung umaga ko lang ginamit kasi hindi pa natutunaw ang yelo kaya sa maninipis na lugar ay parang nagwa-walis lang ng makapal na alikabok. Pinala ko na din ang sidewalk ng aking kapitbahay na nagbigay ng utang na loob naman dahil pinala naman niya ang aming sidewalk pagdating ng tanghali. Importante kasi na malinis ang sidewalk para hindi madulas ang mga taong dumadaan. Perwisyo din ang snow sa kalye lalo na kapag natunaw ito at tumigas muli – talaga namang madulas. Hindi katakataka na madami ang na-aksidente sa daan nung gabing iyon dahil sa black ice.

Mayroon pang isang buwan bago matapos ang winter dito pero sana ito na ang huling pag-ulan ng snow. Baka maubos ang bakasyon na dapat gagamitin ko pag nagbakasyon ako sa Pilipinas.🙂