Nitong nakaraang linggo, habang nakasakay ako sa tren pauwi mula sa trabaho ay napansin ko na may hawak na Kindle ang taong naka-upo sa harap ko. Kahit hindi ko nababasa ang nakasulat, nakita ko na maganda nga ang pagkakagawa nito. Ang Kindle ay ginawa at ipnagbibili ng Amazon.com. Nagbibigay ito ng kakayahang magbasa ng mga aklat, magasin at pahayagang digital. Kung baga ito ang iPod para sa bagay na nakalimbag. Maganda at malinaw ang pagkakaladlad ng mga titik kaya naman mukhang madaling magbasa. Ibang klase ang screen nito dahil parang nagbabasa ka na din sa papel at walang backlight ang LCD. Kung kailangan mong magbasa sa dilim ay kailangan pa din ng ilaw gaya ng ordinaryong libro.

Mahilig akong magbasa kaya malamang na bumili ako nito sa nalalapit na panahon. Hinihintay ko lang na bumaba sana ang presyo o di kaya ay ayusin pa ng Amazon ang Kindle. Ipapaalam ko sa lahat kapag binili ko na ito.