Ngayong taon na ito, sinikap talaga naming gawin ang lahat ng bagay na napagkagawian na namin sa Pilipinas kapag Semana Santa. Nandiyan siyempre ang pagaayuno at hindi pagkain ng karne. Pinagbawalan din namin ang mga bata na maglaro ng Wii. Hindi na din sana ako maliligo kaya lang naalala ko na pamahiin lang naman yun. Nag-arkila din ako ng religious DVD sa Netflix– The Gospel of John, para may mapanood kami. Hindi kasi dito pinapalabas ang mga karaniwang pelikulang pang-relihiyon tulad ng “Jesus of Nazareth” at “Ten Commandments” na mapapanood sa Pilipinas kapag ganitong panahon. Hindi naman maaasahan ang TFC kasi parang karaniwang araw din ang programa nila. Tama ba namang tawagin kang Filipino channel pero hindi ka nagpapalabas ng mga karaniwang palabas sa Pilipinas? Ang Wowowee nga ay rerun lang pinalabas nila. Hindi na lang pinalitan ng programang pang-relihiyon, kahit hindi Katoliko basta Kristiyano. Tinutukan na lang namin ang EWTN kaso panay misa at Divine Mercy kaya isipin na lang ninyo kung gaano ka-enganyo ang mga bata.

Medyo nahuli kami sa alas-tres na misa (holy hour) kaya tumayo na lang kami sa likod dahil puno na ang upuan at hindi namin inaasahan na matagal ang misa. Isang malaking pagkakamali! Hindi nga matagal ang misa pero madami at matagal pala ang pagluhod. Kapag ganitong mga misa ay naniniwala ako na importante ang pagluhod kaya kahit walang sapin, lumuhod na din ako ang nagtiis. Naisip ko ngayon na siguro kung mas magaan ang timbang ko ay hindi masyadong sasakit ang tuhod ko. Kailangan na talagang magbawas ng timbang.

May bahagi ng misa na hahalik ang mga tao sa isang malaking krus na kahoy bilang pagalala sa nangyari nuong unang Biernes Santo. Sa umpisa ay buhat-buhat ng mga pari at dyakono ang krus. Pagkatapos kong humalik, sinenyasan ako ng aming pari na palitan ko ang isang nagbubuhat. Medyo mabigat din kasi yung krus kaya kung hindi man masakit sa braso ay nakakangalay naman. Naisip ko nga lang na para akong si Simon Sireneo na nandun lang para panoorin ang mga pangyayari ngunit naatasang magbuhat ng krus. Hindi naman nagtagal ay may isang babae na kusang lumapit para palitan ako. Sa kabilang dulo naman ng krus ay isang matandang lalaki, na tila hindi na kayang buhatin ang sarili niyang tungkod, ang nagkusa din sa pagbuhat ng krus. Isang uugod-ugod na matanda at isang babae, biruin mo iyon? Heto ako’t malakas at … eherm… matipuno ni hindi ako nagkusa. Maniwala kayo, laging may ipinapahiwatig ang Diyos kahit sa maliliit na bagay.