Babalikan ko ang nakaraang Biyernes Santo na kung saan sama-sama kami ng buong pamilya na nagpunta sa simbahan upang magdasal ng Stations of the Cross. May hinanda ang mga kabataan ng parokya na kung saan kinikilos nila ang bawat estasyon ng krus habang may isa na nagbabasa ng pagninilay. Ang maganda sa may nakikita na tulad nito ay hindi naiinip ang mga bata sa pagdadasal.

Bumalik sa aking alaala nuong kabataan namin na kung saan kami din ay nagsasagawa ng estasyon ng krus sa aming parokya. Kakaiba ang ginagawa namin nuon dahil pinaghalo namin ang sinakulo at ang estasyon ng krus. Parang totoong Via Dolorosa ito dahil nililibot namin ang buong parokya sa init ng araw at tumitigil na lang kami sa bawat lugar na tinakdang estasyon ng krus upang isadula ang pangyayari sa estasyon na iyon. Pagkatapos ng maikling dula ay pamumunuan ng aming pari ang pagninilay-nilay ng mga namamanata. Ginawa naming makatotohanan ang pagsasadula namin nuon kaya talagang may buhat na krus ang gumaganap na Kristo at pinapalo pa kunwari siya ng mga senturyon. Akala ng ilan na totoo ito dahil matunog ang bawat palo pero ang totoo’y sa kahoy na krus pinapatama ang latigo kaya tumutunog ang bawat hampas. Gumawa pa ang namamahala ng kasuutan at “special effects” ng huwad na dugo at naglagay ng Vicks ang ilan sa mata para mapaluha sila. Ngunit ang hindi ko malilimutan ay ang pook na pinangyarihan ng pagpapako sa krus. May isang burol kasi na sakop ng parokya na tinibak para tayuan ng mga bahay. Wala pang nakatayo na bahay nuon kaya kapag tumayo ka duon at humarap sa tinibak na burol ay parang dinadala ka sa makalumang panahon. Duon namin ginanap ang mga huling estasyon at talaga namang naging mabisa itong kasangkapan sa pagninilay. Sinigurado ng aming direktor (ang ate ko na madaming nalalaman sa mga dulaan) na talagang luluha ang Maria at ang mga aktor sa paanan ng krus kaya halos lahat ng tao ay nadala din at napaluha ng eksena.

Pagkatapos ng mga gawain sa hapon ng biyernes santo, muli namang magkikita-kita ang mga kabataan sa gabi para sumama sa prusisiyon. Sabado ng umaga lang ang pahinga dahil pagdating ng gabi ay sumasama din kami sa Easter Vigil na hanggang madaling araw. Sa umaga naman ng Pagkabuhay, bago pa lumabas ang araw ay kasama din kami sa prusisiyon ng Salubong. Madalas ang aming pamilya ay hindi lang kasali sa mga pamimintuhong ito kungdi kami pa ang namamahala sa pagaayos at pagsasagawa nito.

Mapalad din kami dahil naranasan namin ang lahat ng ito habang kami ay lumalaki. Minsan ay hahanap-hanapin din natin talaga ang mag bagay na nakagisnan ngunit ang totoo ay bahagi na ito ng ating buhay at lagi natin itong kasama saan man tayo dalhin ng tadhana.