Isa sa mga pinagkaka-abalahan ko ngayon ay ang pagtuturo ng gitara sa mga kasamahan ko sa Couples for Christ (FFL). Sa mga hindi nakakaalam ng mga gawain sa CFC, ang bawat kasapi ay palagian na nagtitipon-tipon sa tinatawag na Household at ang unang ginagawa sa pagtitipon na ito ay ang mag-dasal. Karaniwan din na umaawit ng ilang awiting papuri bukod sa panalangin.  Wika nga ni San Agustin: ang umaawit (ng papuri) ay makalawang dumadalangin (Qui cantat, bis orat).   Ang suliranin nga lamang ng ilang Household ay walang marunong tumugtog ng gitara kaya madalas ay kumakanta na lang sila na a capella.  Dahil ako ang naatasang mamuno ng Music Ministry sa aming grupo, madami ang nakiusap na magkaroon ng pagtuturo ng gitara kaya iyan naman ang aking ginawa.

Gumawa ako ng isang kurso na batay sa sarili kong karanasan sa pag-aaral ng gitara at sa mga bagay na nasaliksik ko sa internet.  Ang buong kurso ay sa loob lamang ng apat linggo na kung saan magkikita-kita kami ng dalawang oras kada linggo para ituro sa kanila ang mga pag-aaralan. Kaya naman ang tawag namin dito ay Guitar Crash Course dahil mabilisan talaga.  Naniniwala kasi ako na ang pag-gigitara ay 10% na kaalaman at 90% na pagsasanay kaya basta lagi lamang nagsasanay ay talagang matututo ang isang tao. Kapag ang tao ay hindi natuto sa loob ng apat na linggo, sigurado ako na ito ay dahil sa kakulangan ng pagsasanay.

Nakaka-dalawang linggo na kami at mukha namang natututo sila.  Hindi ko naman inaasahan na maging mga meastro sila sa pag-gitara basta makaya lamang nila ang tumugtog tuwing may pagtitipon ng kanilang mga CFC Household ay matagumpay na din ang aming gawain.  Ipagdasal natin na sana’y maging matagumpay nga ang aming ginagawa.🙂