Pumunta si Pope Benedict XVI sa USA ngayong linggo para bisitahin kami.

Biro lang yung bibisita siya sa amin pero totoong nagpunta nga ang Santo Papa at malapit lang sa amin. Una siyang nagpunta sa Washington, DC kung saan hinarap niya si Presidente Bush, ang mga Obispo at ang mga pinuno ng mga paaralang Katoliko sa bansa. Namuno din siya sa pagdiriwang ng dalawang malaking misa bago siya lumipad (hindi lumipad na parang Superman ha, kungdi sa pamamagitan ng eroplanong Alitalia o Shepherd One kung tawagin ng ilan) patungong New York para harapin ang mga kinatawan ng iba’t-ibang bansa sa United Nations General Assembly. Iyon talaga ang kanyang pangunahing pakay sa pagpunta sa US. Hindi pa tapos ang kanyang bisita dahil may dalawa pa siyang pamumunuang misa, ang pinakamalaki ay sa bantog na Yankee Stadium sa Bronx.

Pope Benedict in DC

Sa tingin ko’y maganda ang kalalabasan ng pag-punta sa US ni Pope Benedict. Mabilis na nawawala ang maling pagkaka-kilala ng mga tao sa kanya. Bago naging Papa, si Joseph Cardinal Ratzinger ay kinikilala bilang isang matapang at matalas na theologian. Madami din siyang sinupil na mga pari, obispo at theologians bilang Prefect ng Congregation for the Doctrine of the Faith. Kaya naman hindi katakataka na marami ang may kaunting pangamba nang siya ang napiling mamuno sa simbahang Katoliko nuong 2005. Hindi din nakatulong na ang sinundan niya ay ang napaka tanyag na si Pope John Paul II. Pero ngayon bilang Pope Benedict, madami ang nakikinig sa kanya. Wika nga ng ilan: pumupunta nuon ang tao upang makita si John Paul II, pumupunta sila ngayon upang pakinggan si Benedict XVI.

May ginawa din siyang isang bagay kahapon na napaka-ganda at hindi inaasahan: nagbigay siya ng panahon upang makausap at ipagdasal ang ilan sa mga biktima ng karahasang sexual ng mga pari dito sa US. Lahat ay galing sa Boston Archdiocese na kung saan unang sumiklab ang balita nuong 2002 tungkol sa mga kasaamang ginawa ng ilang pari. Balitang naging emosyonal ang paghaharap na ito ng Santo Papa at ng limang biktima at isa itong malaking hakbang sa paghihilom ng sugat, isang malaking sugat, ng Simbahang Katoliko sa Amerika.

Gusto ko sanang pumunta sa misa na gaganapin sa Yankee Stadium o di kaya sa St. Patrick’s Cathedral sa New York pero mahirap (kung hindi man imposible) makakuha ng ticket. Buti na lang at sariwa pa ang ala-ala ng World Youth Day 1995 sa Pilipinas na kung saan kasama ako sa milyon-milyong tao na dumalo sa misa ni Pope John Paul II sa Luneta, kaya hindi naman ako nagrereklamo. Aasahan ko na lang na makakapunta din ang aming pamilya sa Roma upang duon makita ang Santo Papa sa Saint Peter’s Square. Panahon na para mag-ipon!🙂