Kamakailan lamang ay ipinagdiwang ko ang aking kaarawan. Tatlumpo’t limang taon. Kay bilis talaga ng mga panahon. Parang kamakailan lamang na naranasan ko ang aking unang tag-init sa Amerika na tila bale-wala dahil galing ako sa isang mainit na bansa. Ngayong sampung taon na ang nakakalipas ay pinaghahandaan ko na ang darating na tag-init. Hindi na din ako sigurado kung sanay pa din ako sa init ng Pilipinas. Nagbago na nga ba ang katawan ko at nag-akma na sa apat na “seasons” ng Amerika o talagang uminit na din sa Pilipinas? Malalaman ko din sigurado sa pagbalik namin sa bansa para magbakasyon.

May mga bagay naman na tila hindi nagbabago. Ang bughaw na langit ng aking kabataan ay siya ding bughaw na langit ng aking katandaan. Naaalala ko nuong ako ay bata pa at marami pang panahon na kayang aksayahin, madalas akong umakyat sa aming bubungan para lang pagmasdan ang langit at mangarap. Hindi ko na kayang gawin iyan ngayon dahil bihira ang makakuha ng panahon para aksayahin pero paminsan-minsan ay nagkakaroon din ako ng pagkakataong umupo lamang sa aming bakuran at muling pagmasdan ang langit. Sa harap ng bagay na hindi nagbabago, hindi ba’t nararamdaman natin ang kaugnayan ng ngayon at ng kahapon. Oo, nagbabalik-tanaw tayo ngunit hindi upang manghinayang kungdi upang madagdagan ng kahulugan at buhay ang ngayon. Sa pagkakaugnay na ito, dumadating din ang pagkakataon na naaalala natin ang pinaka-mahahalagang bagay sa buhay. Hindi ba’t masaya na tayo nuon basta lang kasama natin ang pamilya at kaibigan. Hindi pa natin inaalala ang pera, posisyon, ano ang suot natin, ano ang sasakyan natin at kung ano-ano pa. Hindi ko naman sinasabi na walang halaga ang mga bagay na iyan ngunit sa tuwing babalik ang aking pansin sa mga anak ko na nagtatakbuhan sa bakuran, wala akong kaduda-duda sa ang aming tunay na kayamanan.