Tuwing Hunyo 12, ipinagdidiwang ng mga Pilipino ang Araw ng Kalayaan. Ginugunita sa araw na ito ang pagtataguyod ng Unang Republika ng Pilipinas sa Kawit, Cavite sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo nuong 1898.  Subalit alam natin na hindi naman talaga naatim ng mga Pilipino ang kalayaan sa araw na iyon, higit 110 taon na ang nakakalipas, dahil sinakop naman tayo ng mga Amerikano. Nakuha lamang natin ang  tunay na kasarinlan nuong Hulyo 4, 1964.

Madalas nating itumbas ang kalayaan sa kasarinlan ngunit nararapat nga ba ito? Hindi ba ang nakuha natin nuong Hunyo 12, 1898 o kahit na nuong Hulyo 4, 1964 ay ang kasarinlan ng bansa?  Nagkaroon tayo ng kalayaang gumawa ng ating sariling batas at mamili ng ating mga pinuno, ngunit naging tunay malaya na nga ba ang mga Pilipino?

Sa isang talumpati ni Justice Puno, ang punong hukom ng Kataastaasang Hukuman, kanya ding tinanong – malaya na nga ba ang mga Pilipino?  Kung may kalayaan, bakit maraming Pilipino ang nabubuhay ng may takot?  Kung may kalayaan, bakit maraming pinapatay, dinudukot o naa-agrabyado?

Nabubuhay tayo sa lipunang demokrasya hindi ba? Ngunit gaya din ng kasarinlan, ang demokrasya ay hindi katumbas ng kalayaan.  Kahit sa isang huwarang demokrasya, ang nakikinabang sa kalayaan ay ang nakakarami, hindi ang lahat. Kung tawagin natin ito ay ang “majority rule”. Marami din sa mga bansang demokraysa  na ang may kapangyarihan o kayamanan lamang ang may kalayaan. Magtitiis ka na lang kung wala kang katungkulan o pera.

Hindi ko naman sinasabi na subukan natin ang komunista o parlyamentarya.  May kanya-kanya din itong problema sa tunay na kalayaan.  Ngunit kung gusto natin ang tunay na kalayaan, kailangan ng tunay na pagbabago.  Maaari din na maa-atim lamang natin ang tunay na kalayaan sa ating lipunan kung ang bawat isa ay may tunay na kalayaan din sa kani-kanilang buhay.  Kung naniniwala ka sa Diyos, alam mo na siguro ang ibig kong sabihin.