Hindi kailangan ng isang henyo para maintindihan na isa, kung hindi man ito mismo, sa pangunahing sanhi ng pagbaha ng tubig o kaya’y putik sa mga mabababang lugar at kabayanan ay ang walang pigil na pangangahoy na umuubos sa ating mga puno. Ang hindi natin maintindihan ay ang walang kahihiyang pagbubulag-bulagan ng marami sa pamahalaang Pilipinas sa bagay na ito.

Mula sa Inquirer.Net: Church blames mining, logging for killer floods

Hindi nga ba maliwanag na maraming bayan at lugar ang binabaha ngayon na hindi naman karaniwang binabaha nuong mga nakaraang taon? Ano na ang mga nangyari sa mga likas na pang-laban natin sa mga bagyo na alam naman nating dumarating taon-taon? Nakakalbo na ang mga bundok, nauubos na ang mga puno, at namamatay na ang mga ilog na daluyan dapat ng tubig-ulan.

Hindi ko na kailangang pumunta pa sa Mindanao o sa Katimugang Luzon dahil sa bayan namin mismo, kitang-kita ko ang naging bunga nga walang pigil na pangangahoy at paglaganap ng mga subdivision. Nuong bata pa ako ay medyo buhay pa ang ilog na malapit sa aming bahay. Kwento pa ng mga matatanda na madalas duon naliligo at naglalaba ang mga tao nuon. Ngunit ang mga burol at matataas na lugar sa paligid ng Muntinlupa na siyang bumubuhay sa ilog na ito ay unti-unting ginawang mga subdivision. Hindi pa ako kolehiyo ay patay na ang ilog at nabubuhay na lamang siya kapag may malakas na ulan.

Nandyan din ang kaso ng aking mga biyenan sa Binan, Laguna. Kapag malakas ang ulan ay tumataas din ang tubig sa kanilang subdivision pero mabilis ding nawawala. Ngunit pagkatapos itayo ang Southwoods (residential at golf course area), madalas na ang pagbaha at inaabot pa ang kanilang bahay na naka-angat ng kulang-kulang isang yarda mula sa kalye. Ang sanhi? Ang hindi wastong pagtatayo (o ang kakulangan) ng lagusan ng tubig. May nakulong na ba dahil sa ginawa ng mga developers ng Southwood? Wala pa! Kaya naman minabuti na lamang ng aking mga biyenan na lumipat ng bahay.  Mapalad sila pero paano na iyong mga hindi kayang lumipat? Magtitiis na lang?

Malakas ang bagyong “Frank” na puminsala sa Pilipinas kamakailan. Ngunit ngayon pa lamang ay dapat maintindihan ng pamahalaang Pilipino na kailangan nilang manindigan sa bagay na ito. Nagbabago na ang klima ng mundo (dahil sa global warming) at hindi katakatakang magiging madalas ang pagdating ang mga nakakapaminsalang bagyo sa Pilipinas. Kailangang itigil na ang pag-gahasa sa kalikasan dahil maniwala ka, malakas itong maghiganti.