Kakabasa ko lang ng blog ni Geejay sa Palabok Blog tungkol sa bago niyang computer nang maalala ko ang sarili kong karanasan sa pagbili ng laptop kamakailan.  Nuon ko pa naisip na ilalagay ko ito sa blog pero palagi ko lang nakakalimutan.

Una sa lahat, nais ko munang sabihin na dalawa ang computer namin sa bahay na gawa ng Apple – isang iBook laptop (2002) at isang iMac G5 (2005).  Siguro sa ibang blog ko na lang iku-kwento kung paano kami lumipat sa pag-gamit ng Apple pero sa bahay namin ito ang aming mga pangunahing computer. Hindi ko naman tuluyang iniwan ang Windows-based PC (WinPC) dahil may isa din akong WinPC (AMD 1.8GHz)  sa bahay at ang gamit ko naman sa trabaho ay isang Dell (Intel P4).

Nagsimula ang kwento ko sa pagbili ng laptop nang pinagpasyahan naming mag-anak na magbakasyon sa Pilipinas.  Ang aking biyenan, na isang propesor, ay nangailangan ng bagong laptop kaya hiniling niya na bumili kami dito sa US at babayaran na lamang niya kami.  Mas bago daw kasi ang mga modelo dito at siguro dahil malaki ang kanyang tiwala sa teknikal na kaalaman ng kanyang paboritong manugang (ang totoo niyan, ako pa lang ang nag-iisa niyang manugang).  Hindi ko na sinubukang bilhan siya ng MacBook ng Apple dahil baka mahirapan siyang mag-hanap ng tulong pag kinakailangan.  Isa pa baka kapag may problema sa MacBook ang sabihin ng iba ay sisihin ako dahil yun ang binigay namin. Kung WinPC laptop ang nagka-problema, siguradong ang sisi ay sa laptop at ligtas pa din ang aking good-manugang-points🙂

Inuna ko munang tignan ang laptop sa Dell at HP pero dahil binanggit nila na Toshiba at Sony lang ang sakop ng kakilala nilang nag-aayos ng PC, yun na ang hinanap ko.   Dito nagsimula ang una kong reklamo. Pagpunta ko sa Toshiba website, naguluhan ako sa paraan nila ng pagpapangalan ng kanilang laptop.  Kung ang Apple ay may MacBook at MacBook Pro, ang Toshiba ay may Satellite, Satellite Pro, Tecra at Portege.  Ayus lang sana kung yun lang, ang kaso sa bawat modelo ay may sub-models pa – may A300, M300, M305D, P305, X205, atbp. At sa bawat sub-model ay may iba’t-ibang version na ayon sa CPU at Operating System.  Hindi ba pwedeng gawing mas madali ito?

Sa huli, Sony Vaio ang binili namin.  Madaming uri din itong Sony pero hindi ko na  pahahabain pa dahil tulad din ito ng Toshiba. Buti na lang at walang naging problema sa delivery. Pagdating nito sa bahay, sinimulan ko agad itong linisin.  Ano ang lilinisin? Siguradong hindi alikabok (mas madali sana iyon) kungdi ang mga pamapatabang trial software na nilagay ng Sony.  Madami ito at nangunguna na ang AOL (na pag-aari ng Sony) at kung ano-anong spyware at virus detector na hindi naman magtatagal dahil nga trial software lang.  Bukod dito, pinapabagal pa ito ng palagiang paghingi ng pahintulot ng Windows Vista na ituloy ang ginagawa ng isang software. May isa ding software na hindi naman pala gumagana sa Vista – bakit pa nila nilagay?

Sa huli, naayos ko din ang lahat at nilagyan ko pa ng ilang magagandang software.  Pero kung tatanungin mo ako, mula sa umpisa hanggang huli, iba pa din talaga ang gawa ng Apple. Mailalahad mo ang kabuuan ng iyong karanasan sa pag-gamit ng Apple PC sa isang salita – Easy.🙂