Nitong nakaraang linggo ay naimbitahan ako ng aming household-head sa CFC sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan at ng kanyang bunsong anak.  Madami at masasarap ang mga pagkain at masaya ang mga tao.  Kahit na mainit ang panahon, malilim naman sa kanilang likod-bahay at may paminsan-minsang ihip ng hangin kaya maaliwalas ang pakiramdam kahit nasa labas.  Maayos na sana ang lahat ng bagay pero may ibang plano si Manong Bubuyog.

Sino si Manong Bubuyog?  Siya ay isang bubuyog – katamtaman ang laki, may dilaw na ulo at itim na katawan.  Hindi ko siya masyadong kilala pero malamang, gaya ng ibang bubuyog na gaya niya, mahilig siya sa mga bulaklak na kay dami ng araw na iyon.   Hindi niya pinapansin ang mga tao sa paligid niya, hindi din naman siya iniistorbo ng mga ito.  Isa lang ang maipipintas sa kanya – mainitin ang kanyang ulo.

Hindi ko alam kung nagalaw ko siya o di kaya ay nainis siya sa amoy ng pabango ko dahil hindi na siya nagpaliwanag.  Masaya akong kumakain ng inihaw na salmon at umiinom ng Corona ng nakaramdam ako ng isang matinding kirot na tila tusok ng karayom sa aking kanang tagiliran.   Ang una kong naisip ay may kumirot sa akong muscle kaya inikot-ikot ka lamang ang aking braso.  Kahit masakit, tuloy pa din sa kwentuhan kaya lumipas na ang ilang minuto nang napansin ko si Manong Bubuyog na nakakapit sa damit ko.   Pinitik ko siya para umalis at tsaka ko lamang naisip na baka tinusok ako ni Manong Bubuyog.  Itinaas ko agad ang aking damit at kitang-kita nga ang pamumula ng sugat mula sa pagkakatusok sa akin.  Wala akong napansin na sting at hindi naman mukhang honey bee si Manong B. kaya hindi ko na sinubukang pisilin ang sugat.  Ang kinakatakot ko lamang ay baka magkaroon ako ng allergic reaction. Medyo malakas ang aking loob dahil laki ako sa Pilipinas at ilang beses na din tayong na-putakte, na-higad at na-kagat ng lamok ngunit pinagmasdan din namin ng ilang oras,habang tuloy ang kwentuhan.  Bukod sa pantal sa paligid ng sugat ay wala namang ibang nangyari.

Pagdating sa bahay, naghanap ako ng lunas sa internet.  Pinapayuhan ang mga tao (na walang matinding allergic reaction) na linisin ang sugat  at gamitan ng yelo upang hindi lumaki ang pantal.  Gagamitan ko na sana ng suka dahil yan ang gamit ng mga nakakatanda sa atin pero alcohol na lang ang pinang-linis ko.  Mukhang nakatulong din na pinagpawisan ako dahil may mga inayos pa ako sa bahay kaya pagdating ng gabi ay  wala na ang pantal.  Baka sumama na sa pawis ang kung ano mang toxins na dala ng kanyang sting (sarili ko lang na haka-haka ito at hindi scientific).

Wala na ang kirot ngayon ngunit nandun pa din ang aking tanong – bakit Manong Bubuyog?