Naisipan namin na pumunta sa Mall Of Asia sa Pasay City kahapon. Ika-limang araw pa lamang ng aming bakasyon sa Pilipinas at nanggaling lang kami sa Laia, Batangas nuong makalawa kaya sa siyudad naman kami ngayon. Nakunan ko ng larawan ang dakong nakaharap sa Manila Bay, sayang nga lang at hindi maganda ang panahon (halata sa larawan) kaya hindi kami nakapaglakad-lakad sa Macapagal Road.

Ganunpaman, isa na ding karanasan ang subukin na libutin ang Mall of Asia. Dumayo na din ako dito sa araw ng pagdating ko dahil nagutom ang mga sumundo sa akin ngunit hindi namin ito nilibot. Malaki nga naman ang mall na ito at siguradong mas malaki kaysa ano mang mall sa East Coast na napuntahan ko. Nakakatuwa na may mga sasakyan pa – sa loob ng mall – para sa mga napapagod o hindi na kayang maglakad. Parang piyesta din dahil may mga banda pa ng musiko na lumilibot at hindi ka mauubusan ng pwedeng pagkainan.

Napansin ko din na tila kami lang yata ang maraming pinamili. Kung sabagay hindi lang naman mga tindahan ang mapupuntahan sa Mall of Asia dahil may Skating Rink at playgrounds din siya. Yan talaga ang pinagkaiba ng mga mga malls sa Pilipinas – pinagsama-samang tindahan, palamigan, kainan, park at sinehan. Isa lang ang katulad niyan at sa Pilipinas din ito matatagpuan – ang Halo-halo🙂