Panglao Beach [Photoshop Elements Photomerge]
Panglao Beach [Photoshop Elements Photomerge]

Nagbakasyon ang aming pamilya (kasama ang dalawa kong kapatid) sa Bohol kamakailan. Apat na araw kami sa isla ng Panglao at naging maganda naman ang aming karanasan bagama’t tag-ulan sa Pilipinas. Ang totoo niyan, ulan ng ulan sa Maynila nang kami ay lumipad patungong Bohol ngunit magandang panahon pala ang naghihitay sa aming patutunguan.

Cebu Pacific Airlines (CPA) ang aming sinakyan patungo ng Tagbilaran, Bohol. Nagkataon naman na mula Agosto 1 ay lumipat na ang lahat ng operasyon ng CPA sa bagong NAIA Terminal 3 kaya nakita din namin ang binabalitang terminal na ito. Sayang at hindi ko nakuhanan ng larawan ang bagong terminal, nawala na din kasi sa isip ko. Malawak at malinis ang bagong terminal na ito bagamat may kakulangan ng impormasyon ukol sa mga flights dahil hindi nagbabago ang nakasaad sa flight monitor kahit na ang aming eroplano ay naantala na ng isang oras at ang aming Gate Number ay nagbago. Ganunpaman, naging maayos naman ang lahat pagdating ng eroplano namin at mapayapa ang aming biyahe. Mabuti na lang at sakop namin ang isang halang ng upuan kaya ang dalawa naming anak ay may tig-isang bintana sa eroplano.

Tagbilaran Domestic Airport

Tagbilaran Domestic Airport

Kulang-kulang isang oras ang aming biyahe at maganda ang panahon sa Tagbilaran nang kami ay dumating. Maliit lang ang Tagbilaran Airport dahil mga domestic flights lang ng CPA at PAL ang gumagamit nito ngunit maayos naman ito. Hinihintay na kami ng aming sundo na pinadala ng Alona Kew White Beach Resort kaya pagkakuha ng aming mga bagahe ay biyahe na naman kami patungo sa isla ng Panglao. Nakita din namin, kahit bahagya lamang, ang siyudad ng Tagbilaran. Parang halo ito ng makabago at tradisyonal, ibang-iba sa mga siyudad ng Kalakhang Maynila. Hindi naman masama iyon dahil iyan nga ang dahilan kaya kami nagpunta ng Bohol – pahinga na muna kami mula sa mga naglalakihang siyudad, lalo ako na sa New York pa nagtatrabaho. Parang ang sarap nga na bumili ng lupa dito at magpatayo ng rest house.

Sa mga susunod na blogs ay ikukwento ko pa ang iba naming karanasan sa Bohol – ang magandang beach, ang mga resort, ang mga tourist spots at marami pang iba.