Alona Kew White Beach ResortSa aming pagbabakasyon sa Bohol ay nanuluyan kami sa Alona Kew White Beach Resort, isa sa mga resort sa baybayin ng Alona Beach sa Panglao. Hindi ito ang pinaka-mamahaling resort sa isla at kung ating gagamitin ang 5 Star na pamamaraan ng pag-uuri ng mga hotel, ito ay isang 3 Stars hotel/resort lamang.  Ganunpaman, hindi ito pangkaraniwan dahil maganda, malinis, madami ditong amenities at tamang-tama sa mga may kasamang bata.  Mayroon itong mga kakulangan ngunit sa kabuuan ay hindi ako mag-aatubiling irekomenda ang resort na ito.

Ang Kwarto. Kasama na sa aming binayaran ang pag-sundo mula sa Tagbilaran at pagdating namin sa resort ay may complimentary drinks pa kaming lahat at mabilis lang ang check-inBeachfront Superior Room ang tawag sa aming nakuha. Tama lang ito para sa apat na tao ngunit kahit na 7 kami (tatSuperior Room beachfrontlo ay bata) ay hindi naman ito naging masikip. May aircon, cable TV, libreng tubig at yelo, telepono at hot water kaya wala naman kaming hinanap pa.   May libreng wireless internet din sila sa lobby at restaurant kung kakailanganin.  Naging problema lang namin ang tubig sa paliguan dahil maalat ito. Buti na lang at may room service sila kaya lagi na lang kaming humihingi ng tubig para hindi maalat kahit ang pang-sipilyo man lang.  Kailangan na din ng maintenance ang toilet ngunit hindi naman kami nito binigyan ng problema.

Ang Kapaligiran. Madami ang mga puno’t bulaklaking halaman sa loob at kapaligiran ng resort kaya pakiwari mo ay nasa loob ka ng halamanan.  Sa tabing humaharap sa beach naman ay may malaking puwang na pinapayungan ng mga puno ng niyog kaya dito madalas maglagay ng mga hapag para pagkainan o di kaya’y humiga lang at magpahingalay.  Yun nga lang bagama’t may bantay at lifeguard upang hindi makapasok sa mismong resort ang mga tao mula sa labas ay ginagawa pa ding daanan ng ilang tao ang beachfront ng resort.  May kakulangan din sila sa paglilinis Alona White Sandsng kelp na ina-anod ng alon sa dalampasigan kaya naman bagama’t hindi ito basura, hindi mukhang malinis.  Sayang dahil maganda pa naman ang buhangin – white sands talaga.

Ang Pool. Ang swimming pool naman ay nasa mataas na lugar, may konting kalayuan sa beach.  Kahit simple lang, madalas kami dito dahil malinis at mainit ang tubig. May ilang cottage na pumapaligid dito at may bar na kunbiniyenteng nakatayo sa malapit.   Wala ding problema na mag-swimming kahit gabi dahil may ilaw sa mismong pool at laging may bantay na lifeguard.  Ang hindi ko lang nagustuhan ay ang mga palikuran (na naman) na malapit sa pool dahil hindi ito maayos.

Ang Pagkain. Ang isa pang bagay na maganda sa Alona Kew ay ang restaurant.   Mabait ang kanilang mga waitress at maunawain sa aming sitwasyon (may kasamang tatlong makukulit na bata).  Masarap ang kanilang pagkain bagama’t may kamahalan.  Binabawi naman nila sa kanilang magandang serbisyo, malawak na menu at kumpara sa madaming pumapaligid na restaurant sa Alona Kew ay mas magaan sa bulsa ang kanilang presyo kaya wala naman kaming reklamo.  Naging paborito namin ang kanilang Beef Steak Tagalog at Tortang Talong. Hindi na namin sinubukan ang seafood dahil hindi pwede sa mga bata at maraming seafood restaurant sa labas.

Gaya ng sabi ko sa umpisa ay rekomendado ko ang lugar na ito.  Wala itong magandang spa, infinity pool, o pribadong villa ngunit hindi naman ito nagkukulang sa mga kinakailangang bagay.  Matipid ngunit hindi mumurahin.🙂