Dumalo ang aming buong pamilya sa concert nila Bo Sanchez at ng Kerygma na pinamagatan – Miracles II: Healing Love. Ginanap ito sa simbahan ng Christ the King sa Hillside, New Jersey . Mapalad naman kami at libre ang aming entrance fee dahil isa ako sa service team. Kasama ako sa nag-ayos ng sound-system at ako din ang namahala sa audio (minus-one) at video playback habang ginaganap ang concert.  Dalawang computer ang ginamit ko – isang Sony Vaio para sa minus-one at VCD playback at ang aking lumang iBook para sa Powerpoint presentations.

Nagbahagi ng mga awitin ang Kerygma 5 (tatlo nga lang sila nuong gabing iyon – sina Alvin, Adrian at George) at nagbahagi ng pangangaral naman si Bo.  Maikli lamang ang kanyang pagbabahagi ngunit malalim sa kahulugan at madaling maintindihan. Hindi ko uulitin ang kanyang mga kwento ngunit ang tumanim sa aming isipan ay ang binahagi niya tungkol sa tamang paraan upang maging matagumpay:

“Drop the extra baggage and do what you need to do.
Focus on the dream, not on the challenges”.

Isinalin din niya ito sa

“Focus on the Strength, not the Weakness”.

Marahil ay hindi na ito bago ngunit hindi ba totoo na kailangan natin lahat ang madalas na pagpa-paalaala?

—–

Bago sila nakauwi ay pinapirma ko pa sila sa aking guitar-strap.  Ginamit kasi ni Alvin ito at pinag-kwentuhan pa namin nina Bo, Alvin at Adrian ang gitara sa back-stage (sa sacristy). Nagustuhan nilang lahat ang tunog ng Taylor 314CE. Natutuwa naman ako at nagamit ang aking gitara sa magandang concert na ito.