Saranggola ni KielBago magsimula ang pasukan sa paaralan ng mga bata, nagkaroon kami ng pagkakataon na pumunta sa Liberty State Park para magpahinga at magpalipad ng saranggola.  Ang totoo niyan, hindi ko na inaasahan na makakapag-saranggola pa kami bago lumamig ang panahon dahil buhat ng umuwi kami mula sa aming bakasyon sa Pilipinas ay laging may nangyayari tuwing Sabado at Linggo.  Kung hindi may importanteng pupuntahan ay umuulan naman.

Magandang mag-saranggola sa Liberty State Park dahil sa maaliwalas na hangin na dala ng dagat (Atlantic Ocean) at may magandang tanawin pa – ang mga naglalakihang gusali ng New York.  Bagama’t hindi malakas ang hangin nuong araw na ‘yon, hindi naman kami nahirapan na paliparin ang aming bagong saranggola.  Malaki ito (higit 4-ft) at  kayang lumipad ng mataas kung saan mas malakas ang hangin.

Tuwang-tuwa naman ang mga bata lalo na’t kung iisipin na nuong nakaraang taon ay nasira ang aming saranggola kaya hindi ito man lang ito nakalipad.  Naaalala ko din nuong ako ay bata pa, ilang beses din kaming dinadala ni Dad sa aplaya para magpalipad ng malaking saranggola.  Sumasama pa ang ilan naming kalaro dahil hindi boka-boka (isang simpleng saranggola) ang dala namin.  Imbes na naglalakihang gusali, ang tanging tanawin sa baybayin ng Laguna Lake nuon ay ang mga bundok sa kabilang ibayo at ang ilang mga fishpen.  Bukod sa malawak na lugar ay tamang-tama lang ang lakas ng hangin (kapag nasa tamang oras) para makapag-palipad ng saranggola o boka-boka.

Simpleng pagpapalipad lang ng saranggola ngunit maging nuon at ngayon ito ay mga alaalang walang katumbas na pera.