Kung naiintindihan mo ang wika na ginagamit ko dito – sa madaling salita, Pilipino ka – siguradong napanood mo na ngayon ang laban nina Manny Pacquiao at Oscar Dela Hoya sa Las Vegas. Isa ito sa mga inaabangan na laban ng maraming Pilipino hindi lamang dahil kay Pacquiao ngunit dahil na din sa kanyang kalaban – si Dela Hoya ay isang kinikilalang pangalan sa larangan ng boxing. Mabuti na lang at may 50″ High-Definition TV ang isa naming kaibigan kaya nagsama-sama na lang kaming nanood ng pay-per-view (PPV) sa kanilang bahay.  Hindi din naman kasi masayang manood nang nag-iisa at mabigat din sa bulsa ang presyo ng PPV kaya nag-ambagan na lang kami.

11:00 ng gabi pa ang laban na Pacquiao-Dela Hoya ngunit 9:00 pa lang ay nandun na kami para panoorin ang ilang laban at pakinggan ang mga interviews.  Kung hindi ninyo napanood ang naunang tatlong laban (undercard kung tawagin) bago kina Pacquiao-Dela Hoya, hindi ito isang malaking kawalan. Kung tutuusin, mabuti pa sigurong pinanood na lang muna namin ang laban ng Nets-Sixers dahil 10:00 pa lang yata ay tapos na ang mga undercard.  Nanalo sa pamamagitan ng TKO ang lahat ngunit hindi kagaya ni Dela Hoya na tumagal ng 8 rounds, sa una o pangalawang round pa lang natapos ang mga undercard. Nakakainis pa nga ang laban na tinampukan nina Juan Manuel Lopez at Sergio Medina dahil hindi pa tumatagal sa unang round ay lumuhod na si Medina. Mabuti sana kung talagang lumaban siya ngunit tila wala siyang plano nuong gabing iyon.  Mas maayos pa ang laban nina Ortiz at Resto sa Junior-Welterweight kahit na dalawang rounds din lang ang tinagal nito.  Mukhang magaling si Ortiz at kung magpapatuloy siyang manalo hindi ako magtataka kung makaharap niya minsan si Pacquio.

Sa unang tatlong rounds pa lamang ng laban nina Pacquiao at Dela Hoya ay kitang-kita na ang bilis at galing ni Pacquiao. Bagama’t tumatama din ang ilang suntok ni Dela Hoya bihira ito at tila hindi man lang natitinag si Manny.  Nag-aalala lang ako sa kaliwa ni Dela-Hoya dahil kapag tumama iyon ng todo ay maaring magbago ang laban. Nawala na lang ang aming pag-aalala pagdating ng ika-pitong round dahil mukhang hindi na kaya ni Oscar at sumasara na ang kanyang kaliwang mata.  Sumuko na ang kanyang corner bago pa man magsimula ang ika-siyam na round at nagbunyi ang lahat ng Pilipino. Sino na kaya ang susunod?  Itataya kaya ni Ricky Hatton ang kanyang belt? Babalik kaya mula sa retirement si Floyd Mayweather?  Ika nga nating mga Pilipino – abangan ang susunod na kabanata.

—-

Siya nga pala, napansin ba ninyo si Noli De Castro pagkatapos ng laban? Ano ang ginagawa niya sa ring? Kasama ba sa trabaho ng vice-president ang umakyat sa ring para lang itaas ang kamay ni Manny pagkatapos niyang manalo? Ayokong humusga ngunit hindi ko maalis isipin na nandun lang siya para sa publicity at politika. Hindi masama na masasabi mo sa mga tao na kaibigan mo si Manny Pacquiao lalo na pag dumating na ang eleskyo, ‘di ba?