Humihingi ako ng kaunting dispensa dahil hindi ko lang maaaring palagpasin ang paliwanag ni Gng. Nancy Pelosi, ang pangulo ng Kapulungan ng mga Kinatawan dito sa US, tungkol sa kanyang pag-lingap na mapabilang sa $800+ billion Economic Stimulus Bill ang  paglalaan ng pondong pang-kontraseptibo.

“Well, the family planning services reduce cost. They reduce cost. The states are in terrible fiscal budget crises now and part of what we do for children’s health, education and some of those elements are to help the states meet their financial needs. One of those — one of the initiatives you mentioned, the contraception, will reduce costs to the states and to the federal government.” – Gng. Nancy Pelosi

Una sa lahat, nais ko munang liwanagin na tinanggal na ang paglalaan ng pondong ito bago pa man nakapasa ang Bill sa kapulungan.  Hindi rin ako dadako sa usapang pro-life laban sa pro-choice dahil bagama’t may kaugnayan iyon hindi ito ang aking  bibigyan ng pansin. Ang pag-lalaan ba ng pondo para sa kontraseptiba?  Hindi rin.  Bagama’t ako ay Romanong Katoliko at nakikipag-hamok ang buong simbahan laban dito, ang bansang Amerika ay isang sekular na bansa.  May mga maaari akong gawin upang isulong ang paghamok laban sa kontraseptiba ngunit hindi ko maaaring ipilit ang aking paniniwala lalo na kung 22% lang ng bansang ito ang kapanalig ko.  Hindi, may mas malalim na problema sa sinabi ni Gng. Pelosi.

“Bawasan ang gastos”, ang sabi ni Gng. Pelosi. Mababawasan ang gastos ng gobyerno sa pamamagitan ng kontraseptiba. Aba, malamang totoo iyan! Tatlo ang anak ko kaya alam ko ang gastos ng mga bata – pagpa-paaral, pagkain, kalusugan at iba pa.  Pero isipin natin – ano nga ba ang pinipigilan ng kontraseptiba?  Walang iba kungdi ang paglikha ng isang buhay.  Kung gusto ni Gng. Pelosi na bawasan ang gastos sa pamamagitan ng kontraseptiba at ang binabawasan ng kontraseptiba ay ang buhay tao, maaari tayong magsapantaha na ang pananaw ni Gng. Pelosi sa bawat buhay tao ay isang gastusin lamang.

Bakit ka titigil sa mga sanggol? Ang mga matatanda na umaasa sa tulong ng iba, isang buhay na gastusin din lamang ba?  Ang mga lumpo at mahihina, mga buhay na gastusin din lamang ba sila?  Iyan ang problema sa ipinahiwatig ni Gng . Pelosi –  isang hadlang sa pagyaman ng isang pamilya, ng isang pamayanan o ng isang bansa ang buhay na kailangan mong paggastusan. May maganda bang kahahantungan ang isang kabihasnang itunuturing na gastos lamang ang isang buhay?  May pinagkaiba ba ito sa ibang kultura na itinuturing na pambayad o salapi lamang ang isang anak, lalo na ang mga babae?  Ano nga ba ang tunay na panukat ng kayamanan ng isang bansa?