May magandang balita kanina para sa mga tao, lalo na ang mga bata, na may allergy sa mani.  Nagsagawa ng pag-aaral ang Duke University Medical Center at ang Arkansas Children’s Hospital na kung saan nabigyan nila ng lunas ang allergy ng ilang  bata sa pamamagitan ng mismong bagay kung saan sila sensitibo – ang mani.

ABC News: Is There a Cure for Peanut Allergies?

Magandang balita ito lalo na sa amin dahil ang isa naming anak ay may allergy sa mani. Dinala na namin siya minsan sa emergency room dahil kumain siya ng tsokolateng may mani.  Mabuti na lamang at hindi siya kagaya ng ilan na  lubhang mapanganib ang pagkain o kahit paglanghap man lamang ng mani. Ganunpaman ay nag-iingat pa rin kami kaya naman naaawa rin kami minsan sa kanya lalo na kapag nasa labas kami at hindi niya makain ang naka-ahin. Kamakailan lamang ay may pinuntahan kami na kung saan ang maybahay ay  nagluto ng adobong baboy na may mani. Masarap ngunit hindi pwede sa anak ko. Mabuti na lang at may iba pa siyang nilutong putahe.

Umaasa at ipinagdarasal pa rin namin na isa ang aking anak sa mga bata na nagawang kalakihan ang kanilang mga allergy. Katulad sana siya ng panganay namin na may allergy sa itlog nuong maliit pa siya ngunit ngayon ay wala na.  Ganunpaman, siguradong susubaybayan namin ang mga kaganapan sa pag-aaral na ito.