Balitang umaapoy ngayon sa bansang Pilipinas ang tungkol sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kilala din sa pangalang Pork Barrel.  Ito ay ang milyon-milyong piso na taunang inalalaan sa mga mababatas (senador at mga kinatawan) upang magsagawa ng mga proyekto sa kani-kanilang mga kinakatawan na pook o lalawigan. Sa kadahilanang malaki ang perang napapaloob sa patakarang ito, malaki din ang pagkakataong ito ay mapagsamantalahan ng mga gumagamit nito. Madami na ang nakalathala sa internet tungkol sa kung paano isinagawa ni Janet Napoles, katulong ang mga buktot na mababatas, ang pag nakaw ng bilyon-bilyong piso sa kaban ng bayan kaya hindi iyon ang nais ko na talakayin.

Ang sa akin lamang ay panahon na upang ganap na alisin ang PDAF dahil madali nga itong mapagmalabisan lalo na’t kulang ang masigasig na pagsisiyasat ang patakarang ito. Hindi na dapat gumawa ng panibagong pamamaraan ng pagsisiyasat o baguhin lamang ang tawag dito, kailangang tangalin na ito ng lubusan! Bukod dito, ang tungkulin ng mga mababatas ay ang gumawa ng batas at hindi magsagawa ng mga panukala. Sa bawat sampung piso na inilalaan sa bawat kinatawan ay malamang piso na lang ang nakakarating sa mga panukalang gawain at ipananandakan pa nila na tila ang pera na ginasta ay galing sa kanilang bulsa. Kung sabagay, dahil nga ibinulsa na nila ang lahat ng perang ninakaw sa simula pa lamang, galing nga naman yun sa kanilang bulsa. Ha!

Ang pera na dapat gamitin upang umunlad ang mga lungsod at lalawigan ay dapat inilalaan na lamang sa mga pampook na pamahalaan ng kani-kaniyang bayan o lungsod. Iyon naman ang kanilang tamang tungkulin. Sa paraang ito ay pantay-pantay ang lahat ng mga bayan o lalawigan. May pagkakataon pa din upang mapagsamantalahan ang ganitong patakaran dahil may katiwalian din sa mga pamahalaang bayan o panlalawigan. Dapat din na maglagay ng mahigpit na pagsisiyasat duon ngunit para sa ngayon, ang pag-tangal sa pork barrel ay ang tamang unang hakbang.